Dumarami pa ang mga pasaherong humahabol na makauwi sa kani-kanilang mga probinsya ngayong Lunes Santo.
Ang Department of Transportation (DOTr) ay ipinatutupad ang “Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2019” upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe ng mga pasahero ngayong panahon ng kwaresma.
Hinimok naman ng Bureau of Immigration (BI) ang mga pasahero na dumating ng maaga sa paliparan, tatlo o hanggang apat na oras bago ang departure time.
Nagdagdag na rin ang BI ng halos 60 immigration officers para tugunan ang mahahabang pila.
Sa panig ng Philippine Coast Guard (PCG), nasa higit 90,000 pasahero na ang dumadagsa sa iba’t-ibang pantalan sa bansa.
Nagpakalat na naman ng Malasakit help desk ang LTFRB sa iba’t-ibang bahagi ng bansa para umalalay sa mga babiyahe, kung saan pwedeng magtanong, humingi ng tulong at magreklamo ang isang pasahero.
Nagsimula na rin ngayong araw ang isang linggong tigil operasyon ng MRT Line 3 para sumailalim sa maintenance.
Mayroong 140 point to point buses ang babiyahe para sa mga pasaherong apektado ng kanilang shutdown bilang bahagi ng bus augmentation program mula Abril 15 hanggang 17 at Abril 20 hanggang 21 ng alas-5 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi.
Kasabay nito, mahigpit nang binabantayan ng DENR ang top tourist destinations sa bansa sa gitna na rin ng inaasahang pagdami ng mga turista ngayong Holy Week.
Maliban sa Boracay, kabilang sa tourist destinations na babantayan ng DENR ay ang Palawan, Mindoro, Aurora, Zambales at Siargao.