Mga Pasaway na Motorista, Dumami dahil sa Road Widening!

Cauayan City, Isabela- Marami pa rin umano sa mga motorista ang pasaway at naninibago dahil sa pagpapalawak sa mga lansangan o Road widening kaya’t hindi pa rin umano naiiwasan ang mga nangyayaring aksidente sa daan.

Ito ang inihayag ni Atty. Constante Juato Foronda, ang Pinuno ng Public Safety Services Isabela Provincial Government sa naging panayam ng RMN Cauayan kaninang umaga.

Aniya, dahil bago pa ang ilang mga lansangan dahil sa road widening ay hindi pa umano nalalagyan ang mga ito ng mga road signs na dapat sundin ng mga motorista ay ginagawan parin naman ito ng paraan ng *Department of Public Works and Highways* o DPWH upang mabigyan ng kaalaman ang mga motorista.


Naniniwala rin si Atty. Foronda na dahil sa pamimigay ng Public Order Safety Division (POSD) ng mga Flyers para sa mga motorista ay nabibigyan ang mga ito ng kaalaman tungkol sa batas trapiko gaya ng pagsusuot ng helmet, tamang linya sa daan, tamang paghinto sa mga lansangan at tamang pagbibigay ng road signal.

Hinihikayat ngayon ni Atty. Foronda ang taumbayan na magkaroon ng kooperasyon sa mga nagpapatupad ng batas trapiko upang maiwasan na rin ang anumang insidente sa daan.

Facebook Comments