
Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) ang paglalabas ng patakaran na huwag isama sa makikinabang ng Zero Balance Billing ang mga pasyenteng sangkot sa paglabag sa batas-trapiko.
Ito ay para sa mga maaaksidente na nakainom ng alak o kaya walang suot na helmet.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, dapat may pananagutan ang mga drayber na lumalabag sa batas, at nakalaan lamang ang Zero Balance Billing sa mga pasyenteng walang nilabag sa pagmamaneho.
Sa datos ng DOH nitong July, umabot sa 5,083 ang naitalang road traffic injuries.
3,382 dito ay may kinalaman ang motorsiklo kung saan 3,197 ang walang helmet, 205 ang lasing, at 38 ang namatay.
Sa ilalim ng kasalukuyang patakaran, sinasagot ng DOH ang lahat ng gastusin ng mga biktima ng road crash mula operasyon, gamot, laboratory, at iba pang bayarin kung ang pasyente ay nasa basic accommodation.









