Manila, Philippines – Aabutin pa ng mahigit-kumulang isang buwan bago mailabas ang mga passport na may 10-year validity.
Ayon kasi kay Foreign Affairs, Passport Division Director Ricarte Abejuella III, hindi pwedeng retro-active ang batas.
Aniya, bukod sa 15-day publication, kailangan pa ring gumawa ng Implementing Rules and Regulations (IRR) na posible namang abutin ng isang buwan.
Ibig sabihin, passport na may limang taong validity pa rin ang makukuha ng mga mai-isyuhan ngayong buwan.
Pinayuhan din ni Abejuella ang mga may hawak ng valid 5-year passport pero gustong kumuha ng may 10 years validity na maghintay na muna.
Sa susunod na taon kasi, maglalabas ng bagong disenyo ng pasaporte ang DFA na posible ring mas mahal.
Matatandaang August 2 nang pirmahan ni Pangulong Duterte ang R.A. 10928 na nag-e-extend sa validity ng mga pasaporte hanggang sampung taon mula sa dating limang taon.