Inilatag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang bagong resolusyon kaugnay ng umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.
Sa Pulong Balitaan; sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, taga-pagsalita ng IATF na suspendido ang visa issuance at visa-free priviledges sa lahat ng foreign national. Ibig sabihin, simula sa araw na ito.
Hindi na papayagang makapasok sa bansa ang mga foreign tourist may visa man o wala hangga’t hindi natatapos ang enhanced community quarantine. Exempted naman ang mga diplomats at opisyal ng international organization gaya ng UN, WHO, asian Development Bank at iba pa na nabigyan ng accreditation ng bansa gayundin ang mga foreign spouses at mga anak ng isang pilipino.
Ang mga Pilipino kahit saang bansa galing ay maaari ring umuwi sa bansa alinsunod sa pangako at utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala. Para maiwasan ang kakapusan sa pagkain, essential hygienic at medical products, tiniyak ng IATF na hindi haharangin ang pag-biyahe ng lahat ng uri ng cargo na may dalang food o non-food item gayundin ang pagdaan ng mga empleyado ng mga business establishment na pinahintulutan sa ilalim ng enhanced community quarantine.
Pinalawig din ng IATF hanggang mamayang alas 11:59 ng gabi ang deadline para sa mga bpo at export-oriented establishments na makapaghanda sa pagbibigay ng temporary accomodation at transportasyon para sa kanilang mga empleyado.
Extended din hanggang March 26 ang exemption ng media employees sa enhanced community quarantine. Gayunman, lilimitahan ito sa 50% ng kabuuang permanent staff ng bawat media entity na registered sa DOLE. Inatasan naman ang mga Local Government Units (LGUs) na makipag-ugnayan sa doh bago bumili o gumamit ng testing kits sa kanilang nasasakupan.