Nasamsam ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga pekeng signature sunglasses na nagkakahalaga ng P2.5 bilyon sa ilang tindahan at warehouse sa Maynila.
Ito matapos magreklamo ang dalawang kompanya nang mapag-alaman nilang pinepeke ang kanilang mga produkto.
Ayon kay NBI-National Capital Region Assistant Regional Director Joel Tovera, ang mga nasabing sunglasses ay hindi katulad ng original lalo na’t wala itong ultraviolet protection.
Bukod dito, nasabat din ng NBI Intellectual Property Rights Division ang mahigit 3,000 pares ng pekeng sandalscsa isang warehouse sa Tondo, Manila.
Ayon sa NBI, ang reklamo ay inihain ng isang Filipino company nang madiskubre nilang ang kanilang mga produkto ay kinokopya ng China at ibinibenta sa bansa sa mas murang halaga.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Intellectual Property Code ang mga nasa likod ng pamemeke habang ang mga produktong nasamsam ay sisirain sa oras na nag-apruba ang korte.