Welcome sa Anti-Terrorism Council ang mga petisyon laban sa Anti-Terrorism Law.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni National Security Adviser Secretary Hermogenes Esperon Jr. na nakahanda ang legal team ng pamahalaan na depensahan ang batas.
Naniniwala rin siya sa karanasan at expertise ng Supreme Court para ma-review nang maayos ang Anti-Terror Law.
Pero nakahanda naman ang ating legal team saka ang kanilang namang dudulugan ay ang Supreme Court. We think that through their expertise and their experience, maibibigay talaga nila ang kaukulang pag-review nito. Kaya sige, kung ilan yung ano, petisyon d’yan, welcome yan,” ani Esperon.
Kasabay nito, sinabihan ni Esperon ang mga kritiko ng anti-terror law na intindihing mabuti ang nilalaman ng batas.
Aniya, napakaraming safety net ng batas taliwas sa sinasabi ni Vice President Leni Robredo na kulang ito sa safeguards at posibleng maabuso.
Samantala… wala umanong pagtutol sa Anti-Terror Law ang Commission on Human Rights (CHR).
Gayunman, ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacque De Guia, may ilang probisyon sa batas na ‘problematic’ at kinakailangang marebisa.
“Yung mismong batas, wala tayong pagtutol ano? Kasi lahat naman tayo ayaw natin ng terorismo. Kaya lang merong mga probisyon na problematic ika nga. Una, yung definition ng terorismo, masyadong malawak. Yung pangalawa nating tinututulan ay yung probisyon sa pag-aresto agad at pag-detain sa isang tao na tatakbo ng 24 na days ano, masyadong mahaba. Yung pangatlo naman yung malawakang kapangyarihan na ibinibigay sa kanila para mag-conduct ng wiretapping tsaka surveillance at sabi nga natin, ito ay maaaring mag-violate ng right to privacy,” giit ni De Guia.
Tiniyak naman ng CHR na mahigpit nilang babantayan ang implementasyon ng Anti-Terrorism Law.