Binasura ng Supreme Court ang mga petisyon na kumukwestyon sa naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na iatras ang membership ng Pilipinas sa International Criminal Court kahit wala itong pag-apruba ng Senado.
Ayon sa Supreme Court Public Information Office, unanimous decision ang naging resulta ng botohan ng labing-limang mahistrado at ibinatay ang desisyon sa pagiging moot and academic o balewala na ang mga petisyon dahil natuloy na ang pagbawi o pag-atras ng Pilipinas sa ICC.
Ipinaliwanag din ng Kataas-Taasang Hukuman na ang Pangulo bilang pangunahing arkitekto ng foreign policy, ay may hurisdiksyon sa Constitution at sa umiiral na statute.
Nilinaw rin ng Supreme Court na ang hudikatura ay may sapat na kapangyarihan para magprotekta sa karapatang pantao taliwas sa espekulasyon ng petitioners.
Kabilang sa mga petitioners sa withdrawal ng Pilipinas sa ICC ay sina Senators Francis Pangilinan, Franklin Drilon, at Risa Hontiveros, gayundin sina dating Senators Benigno “Bam” Aquino at Antonio Trillanes, kasama rin ang Philippine Coalition for the International Criminal Courts.