Inaasahan na ng Philippine National Police (PNP) na darami ang kanilang maitatalang mga petty crime kapag ibinaba sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang buong bansa.
Ayon kay PNP Chief General Debold Sinas, mas marami na ang makalalabas at mas marami na rin ang mga magiging aktibidad ng tao kaya inaasahan nilang tatataas ang snatching at snatching sa mga matataong lugar.
Pero ayon naman kay Sinas, pinag-aaralan at ipinatutupad na nila ang mga ilang mga polisiya at nagkakaroon na rin ng adjustment sa pagpapatrolya at may ginagawa na silang imbestigasyon para maresolba ang isyu.
Sinabi naman ni PNP Directorate for Investigation and Detective Management Director Major Gen. Marni Marcos Jr. na kapag bumubukas na ang ekonomiya ay otomatiko aniyang tumataas ang krimen kaya naman may ginagawa na silang paraan para mabawasan ang pagdami ng krimen.
Kahapon, una nang inihayag ng pamunuan ng PNP na handa na sila sakaling ilagay na sa MGCQ ang buong bansa.