Mga Pilipinong bibiyahe abroad, kailangan ng negatibong antigen test – Nograles

Kailangang magkaroon ng negatibong resulta mula sa antigen Coronavirus test ang mga Pilipinong nais pumunta sa ibang bansa sa loob ng 24 oras bago ang kanilang departure.

Ito ang sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, maliban na lamang kung ire-require ng bansang pupuntahan ang Reverse Transcription-Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test.

Paliwanag ni Nograles, ang testing requirement para sa outbound Filipinos ay layong matiyak na sila ay walang COVID-19 infection kapag sasakay na ng eroplano.


“Ang rule is it’s antigen (testing) unless the country of destination requires RT-PCR. Kung walang nire-require ang county of destination, then you must get an antigen (test),” sabi ni Nograles.

“In cases na silent, we still want outbound passengers to be tested. We want to have a level of confidence that the person who rides the plane is tested and is not infectious,” dagdag pa ni Nograles.

Sa ngayon, sinabi ni Nograles na wala pa siyang impormasyon kung magtatayo ng antigen testing facilities sa international airports.

Sinabi rin ni Nograles na posibleng isagawa ng airline carrier ang testing.

Hinihimok ni Nograles ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa kanilang airline companies tungkol sa kanilang accredited testing centers.

“Pease get in touch with your airline carrier to find out the details on where to get the test. Again, antigen test unless your country of destination requires an RT-PCR, then you have to get the RT-PCR na accredited ng inyong airline dahil sila rin naman ang magpapasok sa inyo,” ani Nograles.

Sa ilalim ng antigen testing, sinisilip ang viral proteins mula sa mga sample na nakolekta sa pamamagitan ng nasa swab at bina-validate ito sa mga laboratoryo.

Itinuturing itong mura at mabilis na diagnostic test para sa COVID-19.

Ang PCR testing naman ay tinutukoy ang genetic material ng virus sa swab sample, at nananatiling gold standard sa confirmatory testing.

Matatandaang binawi ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang restrictions para sa non-essential outbound travel para sa mga Pilipino kung saan kasama sa mga kondisyon ang antigen testing bilang pre-boarding requirement simula sa Miyerkules, October 21.

Facebook Comments