Nilinaw ng Malacañang na hindi maaaring pigilan ang mga Pilipino na umuwi sa Pilipinas kung kanilang nanaisin.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ngayong araw ng travel restriction sa mga bansang nakapagtala ng bagong variant ng virus.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, karapatang pantao ng mga Pilipino ang makabalik ng bansa kahit kailan nila naisin at una na rin itong pinagtibay o kinilala ng Korte Suprema.
Aniya ang tanging gagawin ng pamahalaan ay ipatupad ang mga hakbang at pag-iingat para maprotektahan ang mas nakararaming Pilipino laban sa COVID-19 nang hindi pinagbabawalang makabalik ng bansa ang iba nating kababayan.
Kabilang na rito ay ang pagpapatupad ng 14-day mandatory quarantine sa mga Pilipinong umuuwi sa bansa sa kabila ng mga umiiral na travel restriction.
“Walang Pilipino na pupuwedeng mapigilang umuwi, because that is the right to travel, recognized already in jurisprudence laid down by the Philippines Supreme Court,” karapatang pantao po iyan ng lahat ng Pilipino. Kaya lang gagawa tayo ng hakbang para maprotektahan naman ang ating populasyon laban dito sa bagong strain kasama na po diyan iyong absolute 14-day quarantine.” ani Roque.