Mga Pilipinong mangingisda, ligtas nang nakakapalaot sa Panatag Shoal – Malacañang

Mas maayos na ang sitwasyon ngayon ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal kumpara sa nakaraang administrasyon.

Ito ang tugon ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos ihayag ng ilang mangingisda mula sa Pangasinan na patuloy pa rin silang itinataboy ng Chinese Coast Guard sa nasabing lugar.

Ayon kay Roque, nakakalapit na ang mga mangingisdang Pinoy sa Scarborough Shoal nang hindi na tinatakot ng Chinese Coast Guard.


Aniya, wala ng nangyayaring pambobomba ng water cannon ng Chinese authorities sa mga mangingisdang Pinoy na pumapalaot sa nasabing lugar doon para sila ay itaboy.

Giit ni Roque, resulta ito ng pagkapanalo ng bansa sa Permanent Court of Arbitration at pagiging magkaibigan ng Pilipinas at ng China sa ilalim ng foreign policy ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Bagama’t sinasabi ng Tsina ay hindi niya kinikilala itong Hague Tribunal na ito eh pinapayagan nila kayong mangisda. Ang tanong: Bakit hindi sila ngayon gumagamit ng water cannons para palabasin kayo? Bakit hindi sila ngayon tinatakot at forcibly hinaharang? Dahil nga po dito sa kasunduan na bagama’t hindi kinikilala ng Tsina ang Arbitral award eh karapatan ninyo pa rin iyan at mayroon na tayong, kumbaga, normal na relasyon sa ating kapitbahay,” ani Roque.

Facebook Comments