Mga Pilipinong naapektuhan ng lindol sa bansang Türkiye at Syria, dapat tiyaking makakatanggap ng tulong

Pinapatiyak ni OFW Party-list Rep Marissa “Del Mar” Magsino sa gobyerno, partikular sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Migrant Workers (DMW) na gawin agad ang kailangang aksyon at tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng lindol sa Türkiye at Syria.

 

Binanggit ni Magsino na sa inisyal na pagtaya ay sinabi ng DFA na wala pang Pilipino ang naiulat na nasaktan o namatay sa nasabing lindol.

 

Pero giit ni Magsino, dapat ay magpatuloy ang pag-monitor ng pamahalaan lalo’t mayroon tayong 4,006 na mga Pilipino sa Türkiye.


 

Kasabay nito ay nananawagan si Magsino ng taimtim na panalangin hinggil sa naganap na lindol at pinayuhan din nya ang pamilya ng mga kababayang nagtatrabaho sa naturang mga bansa na manatiling kalmado at makipag-ugnayan sa kinauukulang sangay ng pamahalaan.

 

Inihayag naman ni Magsino na handa ang kaniyang tanggapan na magkaloob ng anumang tulong na kakailanganin ng ating mga kababayan na nagtatrabaho at nakabase sa Türkiye at Syria.

Facebook Comments