Binawi na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang kautusan na kumuha muna ang mga Pilipino ng antigen test bago makaalis ng bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi na kakailanganin pang magpa-antigen test ang mga Pilipinong gustong bumyahe palabas ng bansa.
Pero, kakailanganin pa rin aniyang magpakita ang mga ito ng roundtrip ticket, health at travel insurance, at declaration form na nagsasaad na batid nito ang panganib sa pagbyahe sa ibang bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
“Inaprubahan din po ng inyong IATF ang pagtanggal o pagbawi sa pre-boarding testing requirement ng outbound Filipino travelers na unang na-ratify sa IATF resolution number 79, na nagre-require ng negative antigen test result, 24-oras bago lumipad bilang pre-boarding requirement,” pahayag ni Roque.