Mga Pilipinong umaalis sa Sabah, hindi dapat tawaging ‘repatriates’ ayon kay DFA Sec. Locsin

Nanindigan si Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. na hindi dapat tawaging ‘repatriates’ ang mga Pilipinong umalis sa Sabah dahil sa COVID-19 crisis.

Ang Sabah ay matatagpuan sa silangan ng northern Borneo at timog-kanluran ng Sulu.

Ayon kay Locsin, hindi dapat pinupulitika ang global pandemic sa gitna ng agawan ng teritoryo sa Sabah.


Sinabihan niya ang Malaysian envoy na hindi dapat tratuhing repatriates ang mga Pilipinong umalis sa Sabah at nagtungo sa Zamboanga.

Dagdag pa ni Locsin, ang mga nagpapauwi ng Pilipino mula sa Sabah ay mula sa United Nations Development Programme (UNDP) at International Organization for Migration (IOM).

Nasa 5,300 Pilipino ang inaasahang babalik sa Pilipinas mula sa Sabah.

Matatandaang pinagsabihan ni Locsin ang United States Embassy sa Pilipinas na hindi bahagi ng Malaysia ang Sabah.

Agad na pinuna ito ni Malaysian Foreign Minister Hishammuddin Hussein kung saan kaniyang iginiit na parte ng kanilang bansa ang Sabah.

Pero sinagot ito ni Locsin na patuloy na ipaglalaban ng Pilipinas ang karapatan nito sa Sabah at sa West Philippines Sea.

Facebook Comments