Mga pinapaburang ‘computer supplier’ ng DepEd, pinaiimbestigahan sa Senado

Hiniling ni Senator Jinggoy Estrada sa Senado na imbestigahan na rin ang mga dati pang pinapaburang computer supplier ng Department of Education (DepEd).

Nais matukoy ng senador sa pagsisiyasat kung naging kasanayan na sa DepEd ang “splitting of contracts” o paghahati sa kontrata upang maigawad ang bilyung-bilyong pisong kontrata sa mga piling supplier ng ahensya.

Ipinunto ni Estrada na ang paggawad ng kontrata sa parehong set ng mga supplier at paghahati sa isang malaking contract ay mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act.


Partikular na ipinasisilip ng senador ang mga supplier na laging lumulutang sa mga kontrata ng DepEd partikular ang ASI o Advance Solutions Inc., Columbia Technologies, Reddot Imaging Philippines, Techguru Inc., at Girl Teki Inc.

Napuna rin ni Estrada ang makailang ‘repeat orders’ mula sa mga nabanggit na supplier na aniya’y nagbabalewala sa pagkakaroon ng competitive public bidding salig na rin sa RA 9184.

Maliban dito, ang mga supplier na ito na nakakuha ng bilyong pisong kontrata para suplayan ng mga computer na gawang China ang DepEd ay wala man lamang websites at ang mga opisina na umano’y nasa Maynila ay hindi rin matagpuan.

Facebook Comments