
Inalerto ng Philippine Embassy sa Israel ang mga Pilipino roon kasunod ng abiso ng Israeli Defense Forces hinggil sa paghahanda ng Hezbollah ng malawakang missile barrage na ilulunsad sa mga susunod na oras.
Kaugnay nito, mahigpit na pinapayuhan ng embahada ang lahat ng Pinoy sa Israel na manatiling malapit sa shelter at agad na pumasok dito sa sandaling makatanggap ng emergency alert.
Para naman sa mga Pinoy sa Northern Israel, pinaalalahanan sila ng Philippine Embassy na 90 segundo lamang ang palugit upang makapasok sa mamad o shelter sakaling ang missile ay magmumula sa Lebanon.
Ang mga Pinoy caregiver naman ay pinapayuhan ng embahada na hangga’t maaari ay patulugin ang kanilang mga inaalagaan sa loob ng mamad o shelter upang hindi na sila kailangang ilipat pa sa oras ng emergency alert.










