Manila, Philippines – Siniguro ng Department of Justice o DOJ na bibigyan nila ng tulong ang mga piskal at abogado na biktima ng malakas na lindol sa Mindanao.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, sa abot ng makakaya ng DOJ ay tutulungan nila ang mga prosecutor at abogado na naapektuhan ng lindol.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa kanilang regional offices sa Mindanao para alamin ang sitwasyon ng mga kasamahan nilang naapektuhan ng lindol kung saan patuloy din nagkakaroon ng mga aftershocks.
Sinabi pa ng kalihim na sa kasalukuyan ay wala pang naipaparating sa DOJ head office kung mayroon may seryosong pinsala sa mga prosecutor’s office o gusali ng kanilang regional offices.
Pero nangako si Guevarra na kukumpirmahin niya ito at agad na isasapubliko ang detalye, upang maplano din ang dapat na gawin upang hindi maapektuhan ang trabaho at serbisyo ng kanilang mga tauhan para sa publiko.