Nananatiling “very good at comphrehensive” ang plano ng gobyerno para magkaroon ng bakuna ang Pilipinas laban sa COVID-19.
Ayon kay Dr. Rabindra Abeyasinghe, kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa Pilipinas maganda ang naging paghahanda ng bansa oras na maging available na ang bakuna.
Pero maaari pa aniya itong magbago dahil may mga pagkakataong nasusubok ang inihandang plano sa oras na magsimula na ang roll-out ng bakuna.
Sa ngayon, nakipagpulong na ang WHO sa Department of Health (DOH), National Task Force Against COVID-19, Department of Information and Communications Technology (DICT) at ilan pang Local Government Units kaugnay sa mga tatanggap ng bakuna sa bansa.
Samantala, kaugnay nito lumabas na halos 90% epektibo ang bakuna ng Novavax na Covovax kontra sa iba’t ibang uri ng COVID-19.
Batay ito sa Phase 3 ng clinical trial na isinagawa sa United Kingdom kung saan lumabas na may 96% na efficacy o bisa ang Covovax para mapigilan ang sakit ng COVID-19 dulot ng orihinal na variant.
Habang meron naman itong 86% efficacy o bisa laban sa UK variant ng COVID-19.
Ang Novavax ay isang COVID-19 vaccine na dinevelop ng isang kompanya sa Estados Unidos at ginawa ng Serum Institute of India.