Mga plano ng kaliwa’t kanang kilos protesta, pinigilan ng Anti-Terrorism Act, ayon sa isang labor group

Naniniwala ang grupong Nagkaisa Labor Group na tuluyan ng naglaho ang tunay na diwa ng EDSA sa administrasyong Duterte.

Ayon kay Nagkaisa Labor Coalition Chairperson Atty. Sonny Matula, nabigo umano ang publiko na ipagdiwang ang ika-35 anibersaryo ng People Power Revolution kahapon dahil na rin kay Pangulong Rodrigo Duterte na pinigilan ang tunay na diwa nito.

Dagdag pa ni Atty. Matula na hindi na kailangan sabihin pa na ang rehimeng Duterte ay anti-EDSA, katunayan nakikita ito sa ipinapakita ng Marcos-Duterte troll at red-tagging, sa pamamagitan ng Anti-Terrorism Law na pangunahing instrumento ng administrasyon..


Paliwanag ni Atty. Matula sa ilalim ng Republic Act 11479 o Anti-Terrorism Act of 2020 hindi lamang ang diwa ng EDSA ang planong patayin ng kasalukuyang administrasyon kundi pati ang proseso nito na maliwanag na sinisikil ang lahat ng nagpaplanong ipagpatuloy ang diwa nito.

Giit pa ni Atty. Matula na kung sakali mang mangyari ngayon ang EDSA ’86 malamang umano ay makakasuhan ng Anti-Terrorism Act si Jaime Cardinal Sin, gayundin ng Conspiring to Commit Terrorist Act sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa EDSA 2, at mga supporters ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada noon namang EDSA 3.

Facebook Comments