Marawi – Hindi pa masabi ng Armed Forces of the Philippines kung paano ang gagawin rehabilitasyon ng Taskforce Bangon Marawi sa lungsod sa oras na matapos na ang bakbakan doon.
Ito ang sinabi ni AFP Spokesman Brigadier General Restituto Padilla sa harap na rin ng ilang dumarating na panukala kung paano sisimulan ang rehabilitasyon kung saan isa sa panukala ay ang paglipat ng commercial center ng lungsod dahil mas magiging madali umano ito kaysa irenovate ang nasirang commercial center dahil sa kaguluhan.
Ayon kay Padilla, pag-uusapan pa ito ng nasabing taskforce upang matukoy kung ano ang nararapat na gawin para mabilis at mas epektibo ang kanilang gagawin rehabilitasyon.
Sa ngayon aniya ay may lugar nang natukoy ang pamahalaan para maging temporary resettlement area ng mga residente at magtatayo na ng 3,000 temporary shelter para sa mga apektado.
Sinabi naman ni Presidential Spokesman Enresto Abella, kailangan ding magkaroon ng konsultasyon sa mga residente ng Marawi City bago magsimula ang rehabilitasyon.