
Umabot na sa mahigit 1,000 Philippine National Police (PNP) personnel ang nasibak sa serbisyo dahil sa iba’t ibang kaso sa buong bansa, ayon sa pinakahuling tala ng PNP–Public Information Office (PNP-PIO).
Batay sa datos mula Enero 1 hanggang Disyembre 3 ng kasalukuyang taon, kabuuang 3,181 administrative cases na ang naresolba ng ahensya.
Sa bilang na ito, 1,043 kapulisan ang sinibak sa serbisyo, 179 ang pinatawan ng demotion, at 1,320 ang isinailalim sa suspensyon.
Dagdag pa ng PNP, 58 personnel ang inalisan ng sahod, 460 ang binigyan ng warning at disciplinary action, 53 ang isinailalim sa restriction, at 68 ang tinanggalan ng pribilehiyo.
Sa kabuuang bilang ng mga kasong ito, 347 ay kinasasangkutan ng Police Commissioned Officers o may ranggong Lieutenant pataas, habang 2,784 naman ay Police Non-Commissioned Officers mula Patrolman hanggang Police Executive Master Sergeant.
Tiniyak ng PNP na bahagi ito ng kanilang internal cleansing program upang mapanagot at maparusahan ang mga personnel na gumagawa ng iregularidad habang nasa serbisyo.









