Inatasan ni Philippine National Police (PNP) Officer in Charge Police Lt. General Vicente Danao Jr. ang Police Regional Office (PRO 5) na makipag-ugnayan sa mga Local Government Unit (LGU) sa anumang tulong na maibibigay ng PNP matapos ang phreatic eruption ng bulkang Bulusan kahapon.
Ayon kay PNP Director for Operations Police Maj. General Valeriano de Leon, pina-mobilize ni Danao ang lahat ng police units sa rehiyon upang tumulong sa mga residente sa paligid ng bulkan.
Utos nya rin sa mga local police commanders sa Albay at Sorsogon na tiyakin na may sapat na mga pulis na naka-deploy sa mga apektadong lugar para i-secure ang mga residente, evacuation centers at mga business establishments.
Pinahahanda rin aniya ni Danao ang lahat ng available na sasakyan ng PNP sa rehiyon para sa posibleng evacuation.
Dagdag ni De Leon, nakikipag-ugnayan ngayon ang PNP sa mga disaster officials at LGU para sa eksaktong bilang ng mga lokal na residente na kailangang ilikas.