Inihayag ng Accredited Service Providers of PAGCOR (ASPAP) na ang kanilang mga offshore service providers ay mahigpit na binabantayan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at ng iba pang mga regulatory agencies upang masigurong sumusunod ito sa mga patakaran ng gobyerno.
Ayon kay ASPAP Spokesperson Atty. Margarita Gutierrez, simula nang ipatupad ang mga lockdowns ay siniguro na ng PAGCOR na sumusunod ang mga POGO Service Providers (PSP) sa lahat ng alituntunin na ipinatutupad ng awtoridad.
Dagdag pa ni Gutierrez, sinisiguro rin ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Bureau of Immigration (BI) na lahat ng foreign PSP employees ay mayroong sapat at valid na dokumento at mga work permits.
Ayon pa sa tagapagsalita ng ASPAP, ang mga service providers rin mismo ay nagpapatupad ng mga alituntunin at hindi pinalalampas ang anumang mga insidente na taliwas sa kaligtasan at kaayusan ng nasabing sektor.
Siniguro rin ni Gutierrez na ang mga PSPs ay tinutugunan na ang isyu ng mga foreign workers na hindi sumusunod sa patakaran.
Nilinaw din ng tagapagsalita na kahit pinayagan nang magsimula ang limitadong operasyon ng mga PSPs, karamihan sa mga miyembro ng ASPAP ay nasa proseso pa rin ng pagsasa-ayos ng mga requirements, kabilang na ang pagkuha ng clearance mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Matatandaan, ang mga ASPAP members ay nangakong aayusin ang kanilang mga tax obligation at kasalukuyang nakikipagtulungan ang mga ito sa BIR upang maiayos ang pagbabayad ng karampatang buwis.
Ang pagbabalik ng PSP operations, ayon kay Gutierrez, ay makakatulong ng malaki sa pagkalap ng pondo para sa COVID-19 response programs ng gobyerno.
Dagdag pa niya, nakalikom ang gobyerno ng ₱14.28 billion mula sa industriya noong 2019.
Kung matatandaan rin, sinabi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na kailangan ng pamahalaan ng mga karagdagang mapagkukunan ng pondo upang makatulong sa pagsugpo ng COVID-19 pandemic sapagkat kulang umano ang kasalukuyang fiscal situation ng bansa sa ilalim ng Bayanihan Law.
Ayon pa sa senador, maaari umanong gamitin ng gobyerno ang planong five percent franchise tax sa mga PSPs upang mapondohan ang mga programa ng gobyerno kaugnay sa paglaban sa COVID-19.