Nilinaw ng pambansang pulisya na lahat ng mga police officer na may ranggong Brigadier General o one star ay kwalipikado para maging susunod na PNP Chief.
Inihayag ito ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Bernard Banac sa harap ng mga naglutangang pangalan ng mga senior officers ng PNP para maging PNP Chief.
Sinabi ni Banac na batay sa RA 6975, binibigyan ng kapangyarihan si Pangulong Rodrigo Duterte para mamili ng susunod na PNP Chief sa mga may ranggong one star pataas.
Pero kung pag-uusapan ay seniority sa hanay ng PNP, pasok sa pagiging PNP Chief sina Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Archie Gamboa na magreretiro pa sa Sept 2020, at The Chief Directorial Staff Police Lt. Gen. Camilo Cascolan na magreretiro pa sa November 2020.
Pero malabo nang maging PNP Chief si PNP Deputy Chief for Administration Fernando Mendez Jr. kahit pa seniority ang pag-uusapan dahil magreretiro na ito sa Biyernes sa October 11.
Maari din daw magrekomenda ng susunod na PNP chief si DILG Secretary Eduardo Año sa pangulo nang kaniyang personal choice o base sa rekomendasyon ng Senior officer placement and promotions board.
Maging si PNP Chief Oscar Albayalde ay maaari din magbigay ng shortlist sa Pangulo kung hihingiin ito ng Presidente.
Giit ni Brig. Gen. Banac nasa Pangulo pa rin ang desisyon kung sino ang gusto nitong maging hepe ng pambansang pulisya.
Si Gen. Albayalde ay magreretiro sa November 8 na ngayon ay nakakaladkad ang pangalan dahil sa isyu ng ninja cops.