Mga police unit sa Bicol at Quezon Province, inalerto ni PNP Chief Guillermo Eleazar sa posibleng pag-atake ng mga NPA

76

Nakaalerto ngayon ang mga police units sa Bicol at Quezon Province.

Ayon kay Philippine National Police Chief, Police General Guillermo Eleazar, inutos niya sa mga ito na maging mapagmatyag at mag-ingat sa mga posibleng pag-atake ng New People’s Army (NPA).


Ito ay matapos ang magkahiwalay na pag-atake ng komunistang rebelde sa Masbate City, Legazpi City at bayan ng Buenavista sa Quezon.

Para kay Eleazar, matinding dagok sa CPP-NPA-NDF ang sunud-sunod na pagsuko ng kanilang mga kasamahan kaya inaasahan nila na palalakasin nila ang kanilang pag-atake para magkunwaring malakas pa rin ang kanlilang pwersa.

Samantala, bukod sa pagtataas ng alerto, inatasan niya rin ang mga police commander na paigtingin pa ang monitoring at intelligence-gathering sa communist armed group.

Matatandaang sa Masbate City, dalawa ang nasawi kabilang ang isang college football player sa ginawang pagpapasabog ng landmine ng NPA.



Habang sa Legazpi City naman ay apat na sibilyan kasama ang isang abogado ang nasugatan matapos tambangan ng NPA.


Sa Buenavista, Quezon, naman ay isang militiaman ang nasawi sa pananambang ng NPA habang pauwi ng bahay matapos ang gift-giving activity.

Sinabi ni PNP Chief na ang mga serye ng pag-atake ay maaring utos mula sa mataas na opisyal ng CPP-NPA-NDF na palakasin ang kanilang pwersa.

Facebook Comments