Mga political survey, huwag munang paniwalaan ayon sa tagapagsalita ng Comelec

Nagbigay ng payo si Commission on Elections (Comelec) Spokesman Jamez Jimenez hinggil sa mga lumalabas na survey.

Partikular na tinutukoy ni Jimenez ay ang nagsusulputang political survey nitong mga nakalipas na linggo.

Sa social media post ni Jimenez, inihayag nito na huwag munang maniwala sa mga election survey dahil sa ngayon ay wala pang mga pinal na desisyon ang mga politiko kung tatakbo sila para sa 2022 national elections.


Aniya, hindi pa rin naman daw nagsisimula ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) at may limang buwan pa para malaman kung sino-sino ang mga kakandidato.

Nabatid na sisimulang ng Comelec ang paghahain ng COC sa October 1 hanggang 8 ngayong 2021.

Sa ngayon, nasa higit 3 milyon ang bilang ng mga voters’ registration na inaprubahan ng Comelec kung saan nananatiling suspendido hanggang May 14 ang pagpaparehistro sa mga lugar o siyudad na nasa ilalim ng Modifiied Enhanced Community Quarantine (MECQ) dahil sa COVID-19.

Facebook Comments