
Iginiit ni Senate President Tito Sotto III na mahalagang masuri ang “Cabral files” na naglalaman ng umano’y mga politiko at mga cabinet members na nagpasok ng bilyon-bilyong pisong halaga ng mga proyekto sa 2025 national budget.
Ipinunto ni Sotto na madali lang kung may sinasabing listahan mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) pero ang dapat na tanong dito ay kung napondohan ba ang mga proyektong ipinasok.
Dapat aniyang makapagbigay ng report ang Department of Budget and Management (DBM) kung nakapaglabas ba sila ng pondo tulad ng pag-isyu ng SARO o special allotment release order at NCA o notice of cash allotment at kung naipatupad ba ang mga proyekto.
Sinabi pa ni Sotto na hindi lamang ito basta listahan at mahalagang alam ito ng DBM upang maging malinaw dahil kung listahan lamang ay madali lamang maglabas nito.










