Mga politikong makikisawsaw sa pamamahagi ng fuel subsidy, binalaan ng COMELEC, DILG at PNP

Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC), Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) sa mga politikong makikisawsaw sa gagawing pamamahagi ng fuel subsidy sa harap nang nagpapatuloy na campaign period para sa eleksyon sa susunod na buwan.

Ayon kay COMELEC Spokesperson James Jimenez, huwag susubukan ng mga politiko na gamitin ang pamamahagi ng fuel subsidy sa kanilang pangangampanya dahil sa mahaharap sila sa kaso.

Aniya, mga grupo lamang na authorized na mamahagi ng fuel subsidy sa mga tricycle operator at drivers at hindi kung sinu-sinong politiko lang.


Sinabi naman ni DILG Secretary Eduardo Año na aabot sa 1.2 milyong tricycle operators at drivers ang makakakuha ng fuel subsidy batay na rin sa ipinadalang listahan ng mga Local Government Unit (LGU) nationwide.

Ang listahan aniya ng mga benepisyaryo ay isusumite nila sa LTFRB at ito mismo ang mamahagi ng fuel subsidy sa mga benepisyaryo dahil sa kanilanang pondo.

Sa ngayon, kalahati aniya ng kabuuang bilang ng mga benepisyaryo ay naisumite na sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTRFB) habang naghihintay pa sila ng listahan mula sa ibang LGUs.

Sa panig naman ng PNP, tiniyak nilang magbabantay sila sa pagsasagawa ng pamamahagi ng fuel subsidy upang matiyak na hindi ito magagamit sa pangangampanya ng mga politiko.

Matatandaang may fuel subsidy ang gobyerno sa mga tsuper at operators matapos ang pagtaas ng presyo ng gasolina dahil sa giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Facebook Comments