Mga posibleng motibo sa pagpaslang kay Percy Lapid, hinihimay na ng PNP

Hinihimay pa ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng motibo sa pamamaslang sa beteranong radio commentator na si Percival Mabasa o mas kilala bilang “Percy Lapid”.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Las Piñas City Police Chief Col. Jaime Santos, isa sa tinitingnan nila ay kung may kinalaman ito sa kanyang trabaho bilang mamamahayag.

Kaugnay niyan, nagsasagawa na ng background check ang pulisya sa pinagtatrabahuhan niyang radio station sa Mandaluyong upang alamin kung may umaali-aligid na sa kanya bago nangyari ang krimen.


Samantala, isinasailalim na sa enhancement ang dashcam mula sa sasakyan ni Mabasa para makita nang mas malinaw ang nangyaring pamamaril sa kanya.

Kumukuha na rin sila ng kopya ng CCTV footage sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Hawak na rin ng pulisya ang cellphone ng biktima at hinihintay na lamang ang go signal ng kanyang pamilya para maisailalim ito sa digital examination.

Bukod dito, kinukuhaan na rin ng statement ang mga witness at ilang miyembro ng pamilya ni Mabasa.

Hinihintay rin nila ang resulta ng autopsy nito.

Samantala, nilinaw naman ni Santos na hindi totoo ang ulat na binangga muna ng isang Fortuner ang sasakyan ni Mabasa bago ito pinagbabaril ng riding-in-tandem.

Ayon pa kay Santos, posibleng plano talagang patayin si Mabasa dahil na rin sa mga tinamo nitong tama ng bala ng baril sa ilalim ng tenga na itinuturing ng pulisya bilang “fatal.”

Facebook Comments