Umapela si Senator Panfilo “Ping” Lacson sa mga positibo sa COVID-19 na magpakilala sa publiko para makatulong sa pagpigil na kumalat pa ang virus.
Sabi ni Lacson, pwedeng ilabas ang pagkakakilanlan ng sinumang COVID-19 positive sa pamamagitan ng barangay bulletin, homeowners’ associations o sa social media.
Paliwanag ni Lacson, sa ganitong paraan ay mas madaling malalaman kung sino ang mga nakasalamuha nila na kailangang maisalalim sa COVID-19 test o mabigyan ng atensyong medikal.
Punto ni Lacson, kung ang ibang kilala at malalaking personalidad ay nagagawang umamin sa publiko na sila ay COVID-19 positive sigurado na pwede rin itong gawin ng pangkaraniwang mamamayan.
Diin ni Lacson, kailangan na magkusang magpakilala ang mga positibo sa COVID-19 sapagkat hindi pwedeng ang mga health authorities ang maghayag ng kanilang pagkakakilanlan dahil paglabag ito sa Data Privacy Act.