MGA POULTRY, PIGERRY OWNERS SA CAUAYAN CITY, PUPULUNGIN

Cauayan City, Isabela- Magsasagawa ng committee hearing ang lokal na pamahalaan at ng mga may-ari at namamahala ng poultry o piggery farm sa Lungsod ng Cauayan upang matalakay ang ilan sa mga naging kapabayaan sa kanilang pamamahala at maibahagi na rin ang kanilang mga best practices sa kapwa poultry o piggery owners at managers.

Kasabay ito ng ginawang on-site visit sa tatlong malalaking poultry at piggery farm sa Lungsod ng Cauayan kahapon, July 11, 2022 sa pangunguna nina Councilors Bagnos Maximo Jr;, Balong Uy at Miko Delmendo kasama ang ilang kawani ng City Sanitation Office, City Planning Office at opisyal ng Barangay Marabulig Uno.

Unang tinungo ng grupo ang malaking manukan sa barangay Marabulig Uno na inireklamo kamakailan dahil sa dami ng langaw na kung saan ay nakitaan talaga ito ng kapabayaan dahil marami pa rin ang mga lumilipad na langaw sa bisinidad.

Ayon sa poultry manager na si Robert Tabadero, ngayon lang aniya dumami ang mga langaw sa kanilang poultry dahil hindi na rin umano tumatalab ang kanilang ginagamit na pang spray kontra sa mga langaw.

Hiningan naman ng timeline si Tabadero kung kailan masosolusyunan ang reklamo sa kanilang manukan subalit hindi pa ito nakapagbigay ng petsa dahil nagpapatuloy naman aniya ang kanilang disinfection at naghahanap na rin umano sila ng panibagong gamot na pamatay sa mga langaw.

Ayon naman sa mga nabanggit na City Officials, kailangang sundin ang ordinansa kaugnay sa tamang pamamahala ng manukan o babuyan dahil kung walang aksyon at pagsunod rito ay papatawan na ng first offense ang may-ari o namamahala rito.

Samantala, wala namang nakitang problema at paglabag ang inspection team sa dalawang farm na binisita sa Lungsod tulad ng Pua Egg layering farm sa brgy. Marabulig Uno at Petines piggery farm sa Sillawit kung dahil maayos ang kanilang pamamahala at ipinapatupad ang sanitation measures.

Sinabi pa ng mga opisyal na mainam lamang na magkaroon ng pagpupulong ang lahat ng may-ari o namamahala ng nasabing negosyo para maibahagi ang kanilang mga ginagamit na pamatay langaw at pagkontrol sa mga ito ganun din ang kanilang maayos na pamamahala para maiwasan ang mga paglabag at kapabayaan sa poultry.

Anumang araw ay ipapatawag sila para sa gagawing committee hearing na pangungunahan ni Cauayan City Mayor Jaycee Dy Jr.

Facebook Comments