Mga pribadong guro sa isang paaralan sa Taytay, Rizal na walang natanggap na ayuda, tinulungan ng mga dating estudyante

Nagsagawa ng fund raising ang mga Alumni ng Star of Hope Christian School upang saklolohan ang kani-kanilang mga naging mga guro.

Batay sa datos ng Coordinating Council of Private Educational Associations (COCOPEA), umaabot sa 500,000 private school employees ang kumikita ng mas mababa sa regular nilang suweldo o hindi na sumasahod sa ilalim ng “no work, no pay” scheme.

Problemado ngayon ang mga guro sa pribadong paaralan sa Barangay San Juan, Taytay, Rizal dahil dalawang buwan ng walang kita ang mga guro dahil nasuspinde ang klase sa mga paaralan mula noong Marso matapos isailalim sa lockdown ang iba’t ibang bahagi ng bansa upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.


Nakalikom ng mga Alumni ng Star of Hope Christian School ng mahigit P300,000 at namahagi ng tig-P4,800 sa kanilang mga dating guro.

Matatandaan na una nang umapela si Department of Education (DepEd) Secretary Leonor Briones para mabilang ang mga private school sa mga industriyang naapektuhan ng krisis sa COVID-19 at mabigyan ng cash aid ang mga guro.

Paliwanag ng kalihim na idudulog niya sa Kongreso ang problema ng private school teachers upang mabigyan ng ayuda ang mga ito sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act.

Ang problemang nararanasan sa Taytay, Rizal ay siya ring nararanasan sa ibang lugar sa bansa, kaya naman Local Government Unit (LGU) at National Government na ang kinakalampag ng mga guro.

Facebook Comments