Ibinabala ni House Senior Deputy Minority Leader at Northern Samar 1st District Representative Paul Daza ang posibilidad na pagsasara ng mga pribadong unibersidad at kolehiyo sa bansa.
Ito ay dahil sa utang sa kanila ng Commission on Higher Education o CHED na umaabot sa 6 na bilyong piso.
Sa ilalim ito ng Tertiary Education Support o TES program para sa mga mahihirap na estudyante na alinsunod sa Republic Act 10931 o Free Access to Tertiary Education Act.
Sa pagdinig ng House Committee on Higher Education ay lumabas na kulang ang pondo na inilaan ng Department of Budget and Management (DBM) sa CHED.
Bunsod nito ay iminungkahi Daza sa CHED na gamitin ang mahigit 10-bilyong pisong pondo na nakalaan sa higher education development fund.
Paliwanag naman ni CHED Chairman Prospero De Vera III, walang pondo para sa TES noong 2021 at 2022 at direkta ring ibinigay sa mga State Universities and Colleges (SUC’s) ang reimbursements para sa matrikula at iba pang bayarin.