Hinikayat ni Senator Risa Hontiveros ang mga pribadong kompanya na magsuspende na rin ng trabaho kasabay ng pag-aalburuto Bulkang Taal.
Giit ni Hontiveros, delikado sa kalusugan ang ashfall na ibinubuga ng bulkan dahil maaaring itong magdulot ng respiratory problems & skin irritation.
Umaasa si Hontiveros, na hindi pipilitin ng mga pribadong kompanya ang kanilang manggagawa na pumasok at magtrabaho kung malalagay sa alanganin ang kanilang kaligtasan at kalusugan.
Kaugnay nito ay sinabihan naman ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang mga employers na iprayoridad ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa bilang pagsunod sa Occupational Safety and Health Standards Act.
Pangunahing itinatakda ng batas ang pagtiyak ng mga employers na sapat ang kagamitan para maproteksyunan ang mga manggagawa tulad ngayon na mahalaga na mayroon silang dust masks para hindi makalanghap ng ashfall.
Kasabay nito ay kinalampag din ni Villanueva ang Department of Labor and Employment para magpalabas ng advisory ukol sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng bulkang taal tulad sa Region 4-A, lalo na sa Batangas.