Handa ang mga pribadong ospital na patuloy na tumanggap ng mga pasyenteng may COVID-19 sa harap ng inaasahang pagtaas muli ng kaso ng sakit pagkatapos ng holiday season.
Pero ayon kay Dr. Jose Rene De Grano, presidente ng Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAP), bagama’t kaya ng kanilang bed capacity, magiging problema naman nila ang pondo at bilang ng mga nurse.
Aniya, hanggang ngayon ay hindi pa rin nababayaran ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) nasa higit apat na bilyon pang utang nito sa mga pribadong ospital.
Sa isinagawa nilang survey kamakailan, lumalabas na umabot na sa P6 billion ang utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital ngayong 2020, bukod pa ang mahigit P13 billion na utang nito sa mga nakalipas na taon.
Giit ni De Grano, parati na lang silang pinaghihintay at tila ‘delaying tactics’ na ang ginagawa ng PhilHealth.
“Lagi na lang sinasabi na, ay kulang kayo sa pagfa-file, mga tinatawag nilang RTH at denied claims. Naibalik naman po namin pero napakabagal pa rin po ng pagbabalik nila. Parang nakikita po namin ay talagang dine-delay lang nila para hindi nila mabayaran kaagad,” ani De Grano.
“Reimbursement po yan. Yun po ay mga nagastos nang serbisyo, rooms ng mga hospital, ang inaano lang namin e maibalik sa’min yung mga nagastos ng ospital,” panawagan pa niya.
Ayon kay De Grano, sa halip na makatulong ang mga ospital sa gitna ng pandemya ay baka mapilitan pa silang magsara.
Giit pa niya, nananawa na ang mga pribadong ospital kaya posible ring hindi na sila mag-accredit ulit sa PhilHealth.
“Kasi yung iba po talagang ospital ay parang nananawa na sa katagalan na po niyan. Ito pong pinag-uusapan natin na survey naming huli ay for 2020 lang bukod pa po yung mga dating utang nila from 2017, 2018, 2019 na hindi nila nababayan,” dagdag pa ni De Grano.
Sa huli, umapela si De Grano kay Health Secretary Francisco Duque III na tulungan silang makakuha ng pondo sa PhilHealth.
“Kasi sinasabi naman lagi ni Secretary Duque na i-expand pa raw yung capacity ng mga hospitals to admit itong mga COVID patients. Dapat ang inaasahan namin sa kanya ay tulungan niya kami dahil siya naman po ang chairperson ng PhilHealth para makakuha kami ng pondo sa PhilHealth,” si De Grano sa panayam ng RMN Manila.