Aminado ang Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) na hirap silang makasunod sa “bed allocation policy” ng Department of Health para sa mga COVID-19 patient.
Kasunod na rin ito ng report ng DOH na nasa 18 hanggang 22 percent lang ng mga ospital sa bansa ang nakaka-comply sa itinakda nilang 30 to 50 percent allocated bed capacity para sa mga COVID-19 patient.
Dahilan aniya ito kaya halos puno na o nasa danger zone na ang mga Intensive Care Unit (ICU) at mga COVID-ward ng mga ospital, partikular na sa Metro Manila at Region 4.
Sa interview ng RMN Manila kay PHAPi Executive Vice President Dr. Jose Rene de Grano, ipinaliwanag nito na ang kakulangan sa pondo at mga medical staff ang dahilan kaya karamihan sa mga pribadong ospital ay nahihirapan na makasunod sa itinakda ng DOH.
Ayon kay Dr. de Grano, nauubos na ang pondo ng mga maliliit na private hospital partikular na ang mga nasa probinsya lalo na’t delay magbayad ang PhilHealth.
Bukod pa rito, marami rin sa kanilang mga staff tulad ng nurses at mga doktor ay boluntaryong nagre-resign o nagbabakasyon dahil sa takot sa COVID-19.
Sa ngayon ay nakikipag-ugnayan ang samahan ng mga pribadong ospital sa bansa sa DOH upang masolusyunan ang mga nasabing problema.