Mga private schools sa BARMM, magiging bahagi na ng programang nagbibigay subsidiya sa mga mag-aaral

Magiging bahagi na ng programang Government Assistance and Subsidies to Students and Teachers in Private Education (GASTPE) ang mga pribadong paaralan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ito ang tiniyak ni Basic Education Committee Chairman Senator Sherwin Gatchalian na mabibigyan na ng tulong at subsidiya ng gobyerno ang mga estudyante sa private schools sa BARMM.

Sinabi ni Gatchalian na ito ay nakapaloob sa special provision ng niratipikahang bicameral conference committee version ng panukalang 2023 national budget.


Ayon sa senador, ang special provision na ito ang magiging basehang legal ng Department of Education (DepEd) upang bigyan ng “government and assistance” o GAS vouchers ang mga paaralan sa BARMM.

Dati nang humingi ang BARMM Ministry of Basic, Higher and Technical Education (MBHTE) ng tulong sa DepEd upang maging bahagi ang rehiyon ng programa dahil walang alokasyon nito sa ilalim ng kanilang budget.

Tiwala ang senador na sa ilalim din ng programa ay matutugunan nito ang mababang enrollment ng mga mag-aaral sa rehiyon.

Facebook Comments