
Pag-aaralan muna ng Malacañang ang mga probisyon kung maaari bang pagkalooban ng executive clemency si Mary Jane Veloso.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, nire-review pa ang naging usapan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia kaugnay ng kaso ni Veloso, na nahatulang maysala sa kasong illegal drugs.
Kabilang aniya sa sinusuri kung may sapat na batayan upang maibigay ang executive clemency.
Iginiit ni Castro na prerogative ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibigay ng clemency, ngunit aminado ang Palasyo na kinakailangan pa ring timbangin kung may mga legal na hadlang sa paggawa nito.
Una nang sinabi ng pangulo na walang inilatag na kondisyon ang Indonesia kaugnay ng paglipat ng kustodiya kay Veloso.
Gayunman, binigyang-diin ng Malacañang na kailangan munang pag-aralan ng mga eksperto sa batas ang usapin ng clemency bago magpasya ang pangulo.










