Patuloy pa ring umaasa ang ilang Senador na magkakaroon ng dayalogo sa pagitan ng University of the Philippines (UP) at Department of National Defense (DND).
Ayon kay Senator Sonny Angara, ang kasunduan na nilagdaan ng DND at UP na mahigit 30 taon ng nakalipas ay naging epektibo sa pagpapatupad ng tungkulin ng mga otoridad at hindi naging hadlang sa legal na pagsugpo ng krimen.
Giit ni Angara, anumang isyu o problema na nakikita ng mga otoridad sa kasunduan ay maaaring pag-usapan ng kalmado at sa konstruktibong pamamaraan.
Tiwala naman si Senator Francis Kiko Pangilinan na masasagot at maipapaliwanag ng mga opisyal ng UP ang sinasabing mga UP students na nag-armas at napatay sa pakikipag-engkwento sa tropa ng gobyerno.
Ayon kay Pangilinan, isa ito sa mga maaaring pag-usapan sa isinusulong niyang dayalogo sa pagitan ng mga opisyal ng UP at DND.
Inaasahan naman ni Senator Risa Hontiveros na tatanggapin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang alok na dayalogo ng UP ng walang kapalit na kondisyon.
Ipinaliwanag naman ni Senator Pia Cayetano na mas mainam na idaan sa dayalogo anuman ang rason na nakita ng DND na batayan ng paglusaw nito sa kasunduan sa UP.