Nagsama-sama ang dalawampu’t siyam na metro at provincial bus operators para harangin sa korte ang pagpapatupad sa Memorandum Circular ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na nagpapawalang-bisa sa umiiral na prangkisa ng mga bus companies sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
Sa pamamagitan ng legal counsel ng nagkakaisang grupo ng Public Utility Bus (PUB) Operators ay inihain ni Atty. Joseph De Jesus ang Injunction with Verified Ex-Parte Application for 72-hours Temporary Restraining Order.
Ayon kay Atty. De Jesus, ang planong EDSA Bus Carousel na naglalayong iisang ruta na lamang ng bus ang bibiyahe sa stretch ng EDSA ay gagawin nang pangmatagalan at magiging hudyat ng katapusan ng prangkisa ng iba pang PUB.
Patunay aniya rito ang 31 mga bagong ruta na inilabas na ng DOTr-LTFRB sa Metro Manila.
Giit ng grupo ng mga operator, ito na rin ang mangyayari sa iba pang kasalukuyang ruta sa iba pang mga lugar sa buong bansa.
Bukod aniya sa walang nangyaring konsultasyon ay pahirap ang tanging dulot nito sa mga pasahero sa nakalipas na linggo sa Metro Manila pa lamang.
Paliwanag ni Atty. De Jesus, bukod sa wrong-timing dahil sa ipatutupad ito sa gitna ng COVID-19 pandemic, aabot din sa dalawang milyong pamilya ng mga bus driver at operator ang apektado kapag itinuloy ito ng DOTr-LTFRB.