Pinaghahandaan na ng mga provincial bus operators ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa Undas.
Ayon kay Alex Yague, director ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), noon pang mga nakaraang buwan nang simulan nilang magdagdag ng mga unit.
Bahagi rin ng paghahanda ng mga operator ang pagtiyak sa roadworthiness ng mga bus na halos tatlong taong natengga dahil sa pandemya.
Sabi ni Yague, umaabot ng P300,000 ang gastos nila sa pagsasaayos ng kada unit ng bus bukod pa ang gastos sa pagha-hire at pagte-train sa mga bagong driver at konduktor.
Dahil dito, umapela si Yague sa mga pasahero na maagang magpa-reserve upang matantiya nila ang dami ng mga bus na patatakbuhin sa undas.
Nais din kasi nilang makatiyak na hindi sila malulugi lalo’t sunod-sunod na naman ang taas-presyo ng petrolyo.