Cauayan City, Isabela- Nagbahagi ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Lalawigan ng Isabela ng ilan sa mga inaasahang babanggitin ng Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang ika-limang State of the Nation Address (SONA) mamayang alas 3:00 ng hapon ngayong araw ng Lunes, Hulyo 27, 2020.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Cong. Ed Christopher Go, kinatawan ng 2nd District ng Isabela, inaasahan nito na tatalakayin ng Presidente ang update sa mga proyekto nito gaya ng Build, Build, Build project ng pamahalaan, mga iba pang hakbang na gagawin para mapigilan ang patuloy na paglobo ng kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at iba pang mga proyekto para sa ikauunlad ng bansa.
Mahalaga aniya na maimpormahan ang mamamayang Pilipino sa mga hakbang ng pamahalaan upang makarekober sa nararanasang pandemiya na dulot ng COVID-19.
Dapat din aniya na matalakay din ang Pangulo na kung sakaling magkaroon na ng bakuna sa nakamamatay na sakit ay kung saan kukuha ng pondo para sa pagbili rito.
Samantala, ibinahagi rin ni Cong. Go ang status ng isa sa kanyang mga prayorodad na proyekto gaya ng San Mariano to Palanan road.
Sa ngayon ay nasa 80 kilometers palang aniya ang nasisimulan at mayroon pang natitirang 60 kilometers para tuluyang mabuksan ang naturang proyekto patungo sa mga Coastal areas ng Isabela.
Kasalukuyan pa rin aniya ang paglakad sa naturang proyekto na inaasahang matatapos pagkatapos ng tatlo (3) hanggang limang (5) taon dipende aniya ito sa bilis ng pagproseso sa mga kinakailangang dokumento.