Mga proyekto ng Nayong Pilipino, pinare-review ng isang senador

Hinimok ni Committee on Tourism Chairperson Senator Nancy Binay ang Department of Tourism (DOT) na i-review ang mga proyekto ng Nayong Pilipino Foundation (NPF) matapos na lumabas sa report ng Commission on Audit (COA) na ang pondo ng Nayong Pilipino ay mauubos na sa susunod na lima o anim na taon.

Partikular na ipinare-review ni Binay sa DOT ang P1.5 billion tourism cultural theme park na inaprubahan ng National Economic Development Authority (NEDA).

Ayon kay Binay, dahil sa kasalukuyang sitwasyong pinansyal ng NPF, sangayon siya sa opinyon ng COA na kailangang magkaroon ng alternatibong mapagkukunan ng kita para sa pagpapatuloy ng operasyon.


Nababahala ang senadora na kung walang kongkretong plano o proyekto para magkaroon ng kita ang Nayong Pilipino at kung walang paggalaw para maging sustainable ang operasyon ay tiyak na masisimot ang anumang pondo meron ang NPF.

Magkagayunman, ang NPF ay dapat na isang self-sustaining GOCC na ang kita ay magmumula sa ilang pagmamay-ari ng NPF at kanilang mga pinapaupa kabilang na dito ang 15 ektarya na pagaari sa Aseana.

Sinabi ni Binay na kailangang mag-isip ng Nayong Pilipino para makalikom ng sapat na pondo upang ma-maximize at mapakinabangan ng husto ang kanilang mga properties.

Facebook Comments