Mga proyekto sa 2019 SEA Games, legal – BCDA

Nanindigan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) na ang pagtatayo ng ₱9.5 billion sports facilities na ginamit sa 2019 Southeast Asian Games ay legal at ‘above board.’

Sa statement, sinabi ng BCDA na walang iregularidad sa pagtatayo ng sports facilities sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Suportado rin anila ng Asian Development Bank (ADB) ang proyekto at mayroong paborableng opinyon mula sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC).


Kumpiyansa rin ang BCDA na mareresolba ang anumang isyu na bumabalot sa nasabing proyekto.

Ang sports facilities ay bahagi ng National Government Administrative Center Phase 1A development sa New Clark City.

Bukas din ang BCDA na magpaliwanag at tiwalang papanig sa kanila ang Office of the Ombudsman.

Nabatid na sinampahan ng kasong malversation sina BCDA President Vince Dizon at tatlong iba pa dahil sa pagkakasangkot sa umano’y anomalya sa pagtatayo ng sports facilities sa New Clark City na sinasabing hindi dumaan sa public bidding.

Facebook Comments