Mga public school teachers, makatatanggap ng P1,000 insentibo ngayong World Teachers’ Day

Makatatanggap ng P1,000 insentibo ang lahat ng pampublikong guro sa bansa ngayong World Teachers’ Day bilang pagkilala sa sakripisyo at dedikasyon ng mga guro.

Ayon sa Department of Education, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mas pinaigting ang suporta sa mga guro sa pamamagitan ng iba’t ibang benepisyo.

Kabilang dito ang mas mataas na teaching at medical allowance, Special Hardship Allowance para sa mga nasa liblib na lugar, at pinalawak na career progression system.

Ang mga guro naman sa pribadong paaralan ay tatanggap din ng P6,000 dagdag sa salary subsidy sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).

Kasama rin sa iba pang reporma ang pagbabawas ng school forms, paglikha ng 60,000 bagong teaching positions sa 2026 budget, pagpapalabas ng performance-based bonus, dagdag vacation service credits, at paglulunsad ng Teacher Education Roadmap 2025-2035 upang ihanda ang mga guro sa makabagong teknolohiya.

Ngayong araw ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagdiriwang ng World Teacher’s Day sa Mall of Asia Arena kung saan tinatayang nasa 12,500 guro mula sa Luzon at Metro Manila ang dumalo sa naturang pagdiriwang.

Facebook Comments