Bawal ma-inlove ang mga pulis sa mga preso.
Mahigpit itong bilin ni Philippine National Police (PNP) Chief Archie Gamboa makaraang maaresto nitong nakaraang linggo ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) ang hepe ng Argao Municipal Police Station sa Cebu nang mahuling nakikipagsiping sa isang preso.
Ayon kay Gamboa, mahigpit ang bilin sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagiging malinis ng mga pulis sa lahat ng pamamaraan at kabilang na dito ang hindi pagkakaroon ng relasyon sa mga babaeng detainee lalo na sa drug offender.
Matatandang base sa ulat ng IMEG, si Police Major Ildefonso Miranda ay mayroong dalawang preso na pinapalabas sa selda.
Isa dito ay kanyang karelasyon habang ang isang preso naman ay ginagawang helper ng pulis.
Iginiit ni Gamboa na seryoso ang PNP sa kanilang internal cleansing campaign.