Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar sa lahat ng kanyang mga tauhan na iwasang mag-display ng mga campaign materials ng mga kandidato sa mga kampo at sasakyan ng PNP.
Ang paalala ay ginawa ni PNP chief kaugnay sa nalalapit na pagtatapos ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) sa October 8, na inaasahan din aniya na magiging simula ng pagsulpot ng mga poster at sticker ng mga kandidatong maagang mangangampanya.
Giit ng PNP chief, kailangang mapanatili ang pagiging apolitical ng PNP, kaya “walang dapat nakadikit na mga ganitong uri ng early campaign materials sa mga sasakyan ng pulis, mga police stations at maging sa mga kampo.”
Sinabi ni PNP chief, bagama’t may “grey area” ang isyu na ito, pagsisikapan niyang i-isolate ang PNP sa partisan politics.
Matatandaang ipinag-utos ni Eleazar ang pag-account sa lahat ng mga pulis na may kamag-anak na tatakbo sa halalan para sa posibleng re-assignment sa ibang area.