Inobliga ngayon ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang mga tauhan na magkaroon ng sariling diary kung saan nila isusulat ang ianilang mga aktibidad habang naka-duty o naka-off duty.
Ito ay para agad na matukoy kung sino-sino ang kanilang nakakasalamuha lalo na’t isa sila sa mga frontliners na tumutulong para mapigilan ang pagkalat ng Coronavirus Disease o COVID-19.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Lieutenant General Guillermo Eleazar na siya din commandent ng joint task force COVID-19 shield, alinsunod ito sa direktiba ni PNP Chief Archie Gamboa sa lahat ng kanilang mga tauhan sa buong bansa.
Sa nasabing diary, isa-isang ililista ng mga pulis ang kanilang ginagawa habang nasa duty at pagkatapos ng trabaho.
Sinabi pa ni Eleazar na makakatulong ang naturang diary sa contact tracing sakaling isa sa kanilang mga tauhan ang maging Person Under Investigation (PUI) dahil sa COVID-19.
Ipinaalala pa ng opisyal na maging matapat o honest sana ang bawat pulis sa mga isusulat nila sa kani-kanilang diary.