Mga pulis-Masbate na napadpad sa Olotayan Island, Roxas City – napagkamalang mga kasapi ng terorista

Roxas City, Capiz – Natumbok na ang identity ng mga taong hinihinalang kasapi ng terorista na nakitang dumaong sa Olotayan Island noong nakaraang linggo sakay sa isang sasakyang pandagat.

Kinumpirma ni P/supt. Dante Tayco, hepe ng Roxas City PNP na mga kasapi pala ng Philippine National Police mula sa Balud, Masbate ang apat katao na dumating sa nasabing isla.

Ayon kay Tayco, may hinabol na isang bangka ang apat na mga pulis dahil sa iligal pangingisda sa baybayin ng Masbate pero nakatakas ang mga ito at nagtungo sa baybayin ng Roxas City, Capiz.


Dahil hindi kabisado ng mga pulis ang malawak na karagatan, napadpad ang mga ito sa Isla ng Olotayan.
Matatandaan na nagresulta sa matinding takot ng mga residente ng Olotayan ang naging presensya ng mga armadong tao na naka-full battle gear at nagtatanong kung mayroong hotel at resort sa nasabing isla.

Una nang pinaniwalaan ng mga residente na ang mga armadong tao na iyon ay kasapi umano ng mga terorista mula sa Mindanao dahil nabigo ang mga ito na magpakilala na mga kasapi pala ng Balud PNP.

Inamin naman ng mga pulis mula sa Balud, Masbate na nagkulang sila ng koordinasyon sa Roxas City PNP.
tags: RMN News Nationwide The Sound of the Nation, Luzon, Manila, DZXL, DZXL558

Facebook Comments